← Back to Guides

Paano gumawa ng patas na raffle sa FB Live

Para wala nang magsabing 'suki lang niya pinapanalo'.

Bakit importante ang patas na bunot

Hindi naman talaga sa premyo ang laban dito. Ang laban ay sa tiwala. Kapag may isang nagcomment ng "scripted 'yan" o "kilala niya 'yan", kahit hindi totoo, marami ang maniniwala — at mahirap nang bawiin 'yon. Mas madali ang solusyon: gawin mong malinaw at nakikita ng lahat kung paano ka bumunot, para wala nang matanong.

1. Sabihin ang mekaniks bago mag-simula

Banggitin sa live at i-pin din sa comment. Apat lang ang kailangan:

  • Ang keyword. Isang salita lang, madaling i-type — "MINE", "SALI", "JOIN".
  • Hanggang kailan. "Hanggang 9:00 PM lang po ang comments."
  • Isang entry kada tao. Sabihin na kahit paulit-ulit magcomment, iisa pa rin ang bilang.
  • Paano bubunot. "I-cocopy ko lahat ng comments tapos ilalagay ko sa random picker, makikita niyo sa screen."

Kapag sinabi mo bago pa magsimula, rules 'yon. Kapag sinabi mo pagkatapos ng bunutan, palusot ang dating.

2. I-copy ang mga comment

Pagkatapos ng live, buksan mo ulit ang video at i-click nang paulit-ulit ang "View more comments" hanggang wala nang natitira. Highlight mo mula umpisa hanggang dulo, tapos copy. Okay lang kung magulo — may emoji, may oras, may kung anu-ano. Basta isang linya, isang entry.

Kung sabay-sabay lumabas sa isang mahabang linya, i-paste mo muna sa Notes at lagyan ng enter bawat pangalan.

3. Salain gamit ang keyword

Ilagay mo ang keyword sa picker. 'Yung mga comment lang na may ganoong salita ang sasali — kaya 'yung "ang ganda naman niyan" hindi papasok, pero pasok ang "MINE po sana ako". Hindi rin siya maarte sa malaking letra: "mine", "Mine", "MINE" — pareho lang lahat. Wag mong i-disqualify ang tao dahil lang small letters ang type niya.

4. Alisin ang doble

May mga viewer na excited kaya lima beses nagcomment. Kung papayagan mo 'yon, lima ang chance niya kumpara sa isa ng iba — hindi na patas. Panatilihing naka-check ang "Remove duplicate names". Ang unang comment lang kada tao ang bibilangin, base sa pangalan sa umpisa ng linya.

5. Bunot na — tapos ipakita ang patunay

Pindutin ang Pick a winner. Bukod sa pangalan, may tatlong lalabas: ilan ang valid na entries, ang random seed, at ang eksaktong oras. 'Yan ang resibo mo. I-save ang result image tapos i-post mo sa mismong post ng giveaway — wag lang pangalan ang i-type, kulang 'yon.

Mas maganda pa: gawin mo mismo sa live. Sa simula ng susunod mong stream, i-share mo ang screen, i-paste mo ang comments habang nakatingin sila, tapos pindot. Wala pang nabalitaang na-bash sa bunutan na nakita mismo ng mga viewer.

6. Tamang pag-announce ng nanalo

I-tag ang nanalo, i-post ang proof, tapos sabihin kung hanggang kailan siya pwedeng mag-message ("48 hours po para mag-claim"). Sabihin din kung ano ang mangyayari kapag hindi nag-claim — kadalasan, bunot ulit, ganoon din kalinaw.

Mga madalas na pagkakamali

  • Pinipili 'yung "sino unang nagcomment" — bilis ng internet 'yan, hindi swerte.
  • Pinalitan ang keyword sa gitna ng live nang hindi inuulit ang announcement.
  • Bumunot nang walang nakakakita, tapos pangalan lang ang pinost.
  • Tinanggal ang isang sumali kasi nanalo na siya dati — kung ganoon ang rule, sabihin mo bago pa magsimula.

Subukan ang picker, libre lang →